Naghain ng waiver si dating Negros Oriental Governor Pryde Henry Teves na nagpapahintulot sa Department of Justice na silipin ang kanyang bank accounts, phone records, at emails upang malinis ang kanyang pangalan.
Personal na nagtungo si Teves sa Hall of Justice sa Dumaguete City, bitbit ang waiver, na aniya ay maaring makatulong sa isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad sa kanya at sa nakatatandang kapatid na si suspended Cong. Arnolfo “Arnie” Teves Jr.
Sa kanyang waiver, sinabi ng nakababatang Teves na isa siyang “Law-Abiding Citizen” na walang itinatago at walang ibang nais kundi mabuhay nang mapayapa.
Una nang inihayag ng dating Gobernador na wala siyang planong umalis ng bansa, sa kabila ng posibleng pagsasampa laban sa kanya ng kasong Illegal Possession of Firearms and Explosives.