dzme1530.ph

DOH, 15 biktima ng paputok naitala bago ang 2023

Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng labing-limang panibagong Firework-Related Injuries bago ang pagsapit ng bagong taon.

Ayon sa DOH Surveillance Report, labing-limang firework-related injuries ang naitala mula noong araw ng pasko hanggang alas-singko singkwenta’y nuwebe ng umaga ngayong araw.

Dahil dito, umakyat na sa dalawampu ang kabuuang bilang ng mga nasugatan dahil sa paputok.

Tigta-tatlong firework-related injuries ang naiulat sa Central Visayas at Region XII, tigda-dalawa sa Metro Manila, Ilocos Region, Bicol, Western Visayas, at Davao, at tig-iisa sa Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, at Cordillera.

Labing-isa sa mga nasugatan ay nagtamo ng pinsala sa mata, anim ang nasugatan sa kamay, dalawa ang nasugatan sa braso, habang isa ang nagalusan sa likod.

Ang dalawampung biktima ay naputukan ng Boga, Kwitis, Whistle Bomb, 5-Star, Sinturon ni Hudas, missile, at pop-up.

About The Author