Tiniyak ng Department of Migrant Workers (DMW) na mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ng overseas Filipino worker sa Kuwait na unang napaulat na nawawala.
Sinabi ni DMW Sec. Hans Leo Cacdac na sa ngayon ay mahigpit nilang minomonitor ang kaso, at ang suspek ay nasa kustodiya na ng Kuwaiti authorities.
Aniya, mayroon na ring abogado ang Pilipinas na siyang magbabantay at magsusulong ng kaso upang mapanagot ang salarin, at makamit ang hustisya.
Sa impormasyon mula kay Cacdac, limang taon nang nagta-trabaho sa Kuwait ang Pinay at nakapagsilbi na sa dalawang employers.
Oktubre nang huling makausap ng kanyang pamilya ang OFW, at inakala lamang na busy ito kaya hindi na muling nakatawag sa kanila.
Gayunman, noong Dec. 28 ay iniulat ng Kuwaiti authorities ang pagkakadiskubre sa naaagnas na bangkay ng Pinay. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera