Maglulunsad ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ng mahigit labing-limang libong free Wi-Fi sites sa 2023.
Ayon sa Malacañang, batay sa Year-End Report ng DICT, pagagandahin pa nito ang digital infrastructure, itataguyod ang investments promotion, at aayusin ang bureaucratic efficiency sa susunod na taon.
Bukod sa 15,000 free Wi-Fi sites, target ding tapusin sa 1st half ng 2023 ang Phase 1 ng Luzon Bypass Infrastructure sa ilalim ng Broadband ng Masa Project, at pagagandahin ang satellite connectivity sa Starlink and satellite systems providers at operators.
Itatatag naman sa tatlumpu’t isang siyudad ang Information Technology and Business Process Management (IT-BPM) locations para sa Digital Cities Program hanggang sa 2025.
Sa ngayon ay hindi pa tinukoy ang mga lugar na paglalagyan ng free Wi-Fi sites.
Samantala, ipagpapatuloy din ang pakikipagtulungan sa Philippine Statistics Authority (PSA) at iba pang ahensya para sa National Identification Program, at VAXCERT katuwang ang Department of Health (DOH).