dzme1530.ph

DEPED, pagbili ng overpriced na camera, iimbestigahan

Iimbestigahan ng Department of Education (DEPED) ang pagbili umano ng mga overpriced cameras, kasunod ng kontrobersiya sa laptops na binili ng ahensya noong 2021 na masyado ring mataas ang presyo.

Sinabi ni DEPED Spokesperson Michael Poa na inatasan na ng ahensya ang Public Affairs Service na imbestigahan ang naturang alegasyon sa pamamagitan ng pag-request sa 2019 procurement documents upang malaman ang klase ng camera na binili, partikular sa mga rehiyon.

Tugon ito ni Poa makaraang i-tweet ni Bayan Secretary-General Renato Reyes Jr. ang facebook post ng photographer na si Jhun Dantes na nagbahagi ng litrato ng isang Canon DSLR camera na umano’y binili ng DEPED.

Nakalagay sa sticker na nasa device ang price tag na 155,929 pesos.

Binigyang diin ni Reyes na ang mga kaparehong modelo ng camera ay mabibili lamang ng 23,000 pesos sa online, at ipinakita pa ang screenshot ng presyo nito mula sa isang online shopping app.

About The Author