Pinag-aaralan ng National Water Resources Board (NWRB) ang hirit na dagdag alokasyon ng suplay ng tubig ng Maynilad at Manila Water.
Ayon kay NWRB Executive Director Dr. Sevillo David Jr., tinitingnan nila ang hiling na gawing 52 m3/s mula sa 50 m3/s ang alokasyon ng tubig, lalo’t kailangan ikonsidera ang abiso ng PAGASA Weather Bureau na posibleng makaranas ng El Niño ang bansa bago matapos ang taon.
Dagdag niya, dapat repasuhin ang datos bilang paghahanda sakaling magka-El Niño.
Umaasa naman si Sevillo na bago matapos ang taon ay nasa 212 meters ang lebel ng tubig sa Angat Dam na tumutukoy sa sapat na suplay nito.
Nabatid na ang hirit ng dalawang water concessionaire ay para maresolba ang kakapusan ng tubig at maibalik sa normal ang water distribution sa west area ng Maynilad.