Dadaan sa mabusising proseso bago ilabas ang Congressional insertions sa ₱6.326-T 2025 national budget.
Ito ay sa harap ng panawagan ni former Sen. Franklin Drilon na i-classify na “for later release” ang Congressional insertions, upang tiyaking hindi ito magagamit sa 2025 midterm elections.
Sa veto message ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., nakasaad na ang mga idinagdag sa Appropriations at bagong budgetary items na ipinasok ng Kongreso sa 2025 budget ay sasailalim na sa cash programming ng national gov’t, prudent o maingat na fiscal management, budget execution rules at procedures, at pag-apruba ng Pangulo batay sa programmed priorities.
Kaugnay dito, oobligahin ng Dep’t of Budget and Management ang mga kaukulang ahensya na mag-sumite ng revised performance targets sa harap ng inaasahang epekto nito sa kanilang mga programa at proyekto.
Mababatid na sinabi ni Drilon na ₱26-B lamang ang vineto ng Pangulo sa Budget ng Dep’t of Public Works and Highways, kaya’t may natira pa ring nasa ₱347-B na insertions. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News