Kinumpirma ng Presidential Anti-Organized Crime Commission na may koneksyon ang Chinese na si Li Duan Wang sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Matatandaang una nang inaprubahan ng Senado ang aplikasyon ni Wang para maging isang Filipino citizen at kailangan na lamang ng lagda ng Pangulo.
Sa pagdinig sa Senado, kinumpirma ni PAOCC Spokesman Winston Casio, batay sa mga dokumento mula sa Securities and Exchange Commission makikita ang koneksyon ni Wang bilang incorporator sa itinuturing na pinakamalaking POGO Service Provider na New Oriental Club 88 Corporation.
Ang naturang kumpanya ay pinasara noong 2019 dahil sa paglabag sa batas.
May impormasyon din ang Bureau of Immigration na nakita rin si Wang sa commercial building na sinalakay ng mga awtoridad kahapon dahil sa isang online scam hub.
Isinagawa ang operasyon kasunod ng mission order sa gitna nang pagsisikap ng ahensya na sugpuin ang mga ilegal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Ayon kay BI Commissioner Joel Viado, sa nakuha nilang impormasyon nasa loob daw ng building si Wang ngunit wala ito sa mismong opisina na ni-raid.