Kilala ang Sabila o Aloe Vera bilang pampalago ng buhok. Subalit marami pang pakinabang na makukuha sa makatas na halamang ito na matagal nang ginagamit sa panggagamot at paggawa ng mga kolorete at pampaganda.
Mabisa ang Aloe Vera sa balakubak at paglalagas ng buhok sa pamamagitan ng pagpahid ng katas at laman ng sariwang dahon nito sa apektadong anit.
Maaring ipantapal sa bahagi ng katawan na may pamamanas ang dinikdik na dahon ng sabila habang ang katas nito ay makatutulong upang maibsan ang hapdi at pinsala sa balat ng mga mayroong paso o burns.
Nakatutulong din sa mas mabilis na paghilom ng sugat ang pagpapahid ng katas ng dahon ng Aloe Vera habang ang dinurog na laman ng dahon nito ay mabisa rin upang malunasan ang mga sintomas na dulot ng sakit na Psoriasis, gaya ng pangangapal at pagkaliskis ng balat.