Nakiisa rin ang Alyansa Para sa Bagong Pilipinas sa pagdiriwang ng Valentine’s Day at hindi muna nagkaroon ng campaign rally upang makasama ang kanilang mga mahal sa buhay sa Araw ng mga Puso.
Sa pagharap sa media sa Iloilo City, kinumpirma ni dating Sen. Panfilo Lacson na sinadya nilang iurong ang mga aktibidad nila upang mabakante ang araw na ito.
Sa orihinal na plano, ngayong araw ang campaign rally sa Iloilo at tuloy sa Davao ng Feb. 16 ngunit ayon kay Lacson binago ito upang hindi magkaroon ng “problema” sa kanilang bahay.
Nagpaalala naman si Lacson sa publiko na kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng mga Puso, wag din kalimutan ang pagmamahal sa kapwa lalo na sa ating bayan.
Diskarte naman para kay dating DILG Sec. Benhur Abalos na isinama na niya ang kanyang misis sa Iloilo sortie upang makasama pa rin niya ito sa pagdiriwang ng Valentine’s Day.
Bukas ay biyaheng Davao ang Alyansa para sa ikatlong sigwada ng kanilang kampanya.