Sumakabilang buhay na ang beteranong kongresista ng 1st District ng Albay na si Cong. Edcel Castelar Lagman sa edad na walumpu at dalawa (82).
Kinumpirma ni Tabaco City Mayor Krisel Lagman ang pagpanaw ng kanilang padre de pamilya dakong alas-5:01 ng hapon ng January 30 dahil sa cardiac arrest.
Si Lagman ay nasa ikatlo at huling termino na sa pagiging kongresista, at kasalukuyang taga-pangulo ng Liberal Party (LP) ay nakilala bilang human rights lawyer bago sumabak sa politika noong 1987.
Ilan sa mga landmark legislation ni Lagman ay ang Responsible Parenthood and Reproductive Health Care Act; Free Tertiary Education Act; Anti-Torture Act of 2009; Anti-Enforced or Involuntary Disappearance Act of 2012; at Human Rights Victims Reparation and Recognition Act of 2013.
Ilan sa inilalaban nitong panukala ay ang Anti-Dynasty Bill, Freedom of Information Bill, Divorce Bill, Human Rights Defenders Bill, Prevention of Teenage Pregnancy Bill, Anti-Child Marriage Bill, at SOGIE Equality Bill.
Instrumento rin ito sa pag-abolish sa death penalty noong 2006, at patuloy na tinutulan ang reimposition nito.
Si Lagman na ipinanganak noong May 1, 1942, sa Malinao, Albay ay nagtapos ng abogasiya sa University of the Philippines (UP) noong 1966.
Naulila nito ang mga anak na sina Mayor Krisel lagman ng Tabaco City, Albay Gov. Edcel Greco Lagman, Edcel Lagman, Jr., Andrei Philip Lagman, Marco Stefan Lagman, Karina Farah Lagman, at Nikos Lagman. —sa panulat ni Ed Sarto