dzme1530.ph

MULTI-SECTORAL GROUP, NANAWAGAN SA KAMARA NA MADALIIN ANG PAGPASA SA CADENA ACT

Loading

Nanawagan ang isang multi-sectoral group sa House of Representatives na bigyang-prayoridad at madaliin ang pagpasa ng Citizen Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability (CADENA) Act upang mabigyan ang mga Pilipino ng kakayahang bantayan ang paggastos ng pamahalaan sa pamamagitan ng isang pampublikong digital platform.
 
Inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala batas ni Senator Bam Aquino sa botong 17-0 noong Dec. 2025.
 
Layunin ng CADENA Act na palakasin ang transparency at accountability sa pamamagitan ng pagbibigay ng access sa publiko sa mga budget allocation at expenditure records ng pamahalaan sa isang pampubliko at digital platform na maaaring bantayan ng taumbayan.
 
Sa isang liham sa mga lider ng Kongreso, hiniling ng coalition, na binubuo ng mga civic, professional, at technology organizations, sa mga mambabatas na agarang ipasa ang counterpart measure sa Kamara ng Senate Bill No. 1506 ni Aquino, o ang CADENA Act.
 
Una nang hinikayat ni Marikina City 1st District Rep. Marcy Teodoro ang kanyang mga kasamahan sa Kamara na gawing prayoridad ang pagpasa ng CADENA Act, na aniya ay magpapalakas sa transparency at pananagutan sa mga proyekto ng pamahalaan.
 
Ayon kay Teodoro, dapat kabilang ang CADENA Act sa mga prayoridad na panukalang batas na isusulong ng mga mambabatas dahil itataguyod nito ang higit na transparency sa paggamit ng pambansang budget at titiyaking napupunta ang pera ng taumbayan sa itinakdang layunin nito.

About The Author