dzme1530.ph

SCHOLARSHIP PARA SA MGA GURO AT KANILANG MGA ANAK, ISINUSULONG NI CONG. MARCY TEODORO

Loading

Sa pagdiriwang ng World Teachers’ Day, isinusulong ni Marikina City 1st District Rep. Marcy Teodoro ang higit na pagkilala at suporta para sa mga guro sa pampublikong paaralan.
 
Sa pamamagitan ito ng kanyang panukalang scholarship program na tutulong sa mga teacher na makakuha ng mas mataas na degree at magbibigay ng educational assistance para sa kanilang mga anak.
 
Muling inihain ni Teodoro ang House Bill No. 10954, o ang “Public School Teachers Scholarship Grant Act,” na unang isinumite ng kanyang misis na si dating Congresswoman at ngayo’y Marikina City Mayor Maan Teodoro noong 19th Congress.
 
Sa ilalim ng panukala, bibigyan ang lahat ng kwalipikadong guro sa pampublikong paaralan sa lahat ng antas ng scholarship para sa master’s at doctoral degree programs na iniaalok ng mga state university and college na accredited ng Commission on Higher Education (CHED).
 
Maaari ring mag-apply ang mga kwalipikadong guro sa pampublikong paaralan para sa scholarship grant para sa kanilang mga anak sa pamamagitan ng Department of Education (DepEd) para sa pre-school, elementary, at secondary education sa mga pampublikong paaralan sa kanilang lungsod o munisipalidad.
 
Bukod sa libreng tuition, sinabi ni Teodoro na bawat scholarship beneficiary ay makatatanggap din ng 20,000 pesos na stipend para sa mga libro, uniporme, school supplies, at iba pang educational materials.

About The Author