dzme1530.ph

SEVERE TRUCK DEADLOCK NA PROBLEMA NG LOGISTICS INDUSTRY, PINATUTUGUNAN SA ADMINISTRASYON

Loading

KINALAMPAG ni Senador Risa Hontiveros ang administrasyon na maglatag ng mga solusyon sa problema sa logistics industry na nakadaragdag sa gastos ng mga negosyo at presyo ng mga bilihin.
 
Sa kanyang privilege speech, sinabi ni Hontiveros na umaabot na sa isa hanggang tatlong linggo ang paghihintay ng ilang trucker bago maibalik ang mga bakanteng container sa container yards ng shipping lines.
 
Tinawag na aniya itong “severe truck deadlock” dahil sa limitadong kapasidad ng mga lagakan ng empty containers.
 
Ayon sa senadora, umaabot sa P50,000 kada container ang dagdag na gastos na iniulat ng ilang meat importers dahil sa delays, na katumbas ng tinatayang P2 hanggang P5 dagdag sa bawat kilo ng karne.
 
Sinabi ni Hontiveros na kapag tumaas ang gastos sa pagbiyahe, pag-iimbak at paghahatid ng mga produkto, naaapektuhan hindi lang ang presyo ng pagkain kundi pati ang negosyo, trabaho at kita ng mga manggagawa.
 
Binanggit din niya ang nakatakdang tigil-pasada ng ilang truckers sa October 5 kasunod ng panawagan ng mga grupo sa transport sector na tugunan ang kanilang mga problema.
 
Kaya naman hinimok ni Hontiveros ang mga ahensya ng gobyerno, shipping lines, truckers, brokers at importers na magkaroon ng malinaw na plano at koordinasyon para mabawasan ang logistics costs at mapabilis ang paggalaw ng mga produkto.
 
Iginiit pa ng senadora na hindi lang ito problema ng logistics kundi isang mas malawak na usaping pang-ekonomiya na kailangang tugunan para makatulong sa pagkontrol sa inflation at pagpapasigla ng ekonomiya.

About The Author