![]()
Iniimbestigahan na ng Philippine National Police ang isang Police Corporal na nakatalaga sa Region 13 dahil sa kanyang social media post na may kinalaman sa impeachment ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay PNP Spokesperson, Police Colonel Allen Rae Co, bineberipika nila kung ang pulis mismo ang gumawa ng post o ibang tao sa ilalim lamang ng kanyang pangalan.
Sinabi ni Co na kung mapatunayang ang pulis mismo ang nag-post, maituturing itong direct and clear violation ng Code of Conduct at Ethical Standards.
Nakasaad sa social media post ang pahayag na “Kung ganyan man lang kadali baguhin ang ating Constitution, I tell you sobrang kawawa natin mga Pilipino.”
Ayon sa PNP, reaksyon ito sa naging bagong ruling ng Impeachment Court kaugnay sa voting threshold.
Ipinaalala ni Co sa mga pulis na ipinagbabawal sa mga pulis ang political expression dahil inaasahang politically neutral ang mga kagawad ng pulisya.
