![]()
KINUMPIRMA ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan na bumuo na ang AGRI-AGRA Team ng isang task force upang tutukan at tugunan ang epekto ng nagpapatuloy na krisis sa Middle East sa food security, sektor ng agrikultura, at kabuuang ekonomiya ng bansa.
Ayon kay Pangilinan, ang AGRI-AGRA Team ay binubuo ng Department of Agriculture, Department of Agrarian Reform, mga kinatawan mula sa Senado at Kongreso, at mga local government units (LGUs).
Layunin nitong harapin ang mga hamon sa agrikultura at pangingisda at ang epekto ng mga ito sa mga mamimili.
Bilang chairman ng Senate Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform, aktibong nakikipagtulungan si Pangilinan sa grupo upang maisulong ang mga pangmatagalang hakbang na magpapalakas sa food ecosystem ng bansa—mula sa mga magsasaka at mangingisda hanggang sa mga pamilyang Pilipino.
Nagkasundo na anya ang mga ahensya at mambabatas na bumuo ng isang ad hoc crisis committee upang masubaybayan at makapagbigay ng agarang tulong at suporta sa mga sektor na apektado ng krisis.
Binigyang-diin din ng senador ang panukalang “bayanihan-type” supplemental budget upang matugunan ang nakaambang krisis sa enerhiya at pagkain dulot ng tensyon sa Middle East.
Ang naturang pondo ay inaasahang magbibigay ng mabilis at flexible na tulong, kahalintulad ng mga hakbang noong panahon ng pandemya.
