Nagsama-sama ang domestic shipping companies sa bansa upang isulong ang kahalagahan ng industriya sa paglago ng ekonomiya sa pamamagitan ng ‘Anytime Maritime Campaign”.
Ayon kay Mary Ann Pastrana, tagapangulo ng Archipelago Philippine Ferries Corporation na layon ng kampanya na iparating sa publiko at local government units ang importansiya ng maritime industry sa pag-unlad ng ekonomiya ng Pilipinas.
Sinabi ni Pastrana na bilang archipelago o kapuluan ay umaasa ang Pilipinas sa pagbibiyahe ng mga produkto at mga tao sa pamamagitan ng mga barko at bangka.
Sa ibayong dagat naman aniya ay kinikilala ang mga marinong Filipino at mas pinipili ng mga dayuhang shipowner na magpatakbo ng kanilang global fleet.
Sa hanay ng overseas workers ang mga Filipino seafarers aniya ang may pinakamalaking kontribusyon o remittance na sa data ng Bangko Sentral ng Pilipinas ay nagkakahalaga ng US$6 billion, 715 million, $880,000 noong 2022.
Kaya punto pa ni Pastrana ang shipping at ang maritime industry ang buhay ng ekonomiya ng Pilipinas, ngunit hindi nabibigyang pansin ng publiko na maaaring makahadlang sa paglago ng Pilipinas bilang maritime superpower.
Kaugnay nito, sinabi ni Pastrana na layon ng “Anytime Maritime campaign” na magsagawa ng mga serye ng aktibidad upang isulong ang maritime awareness sa hanay ng LGUs, mainstream media at sa publiko. —ulat mula kay Felix Laban, DZME News