dzme1530.ph

11.2 BILYONG PISO, ILALAAN NG GOBYERNO SA PAGPAPALAKAS NG FISHERIES SECTOR

Inanunsyo ng National Economic Authority ang pag-apruba sa 11.2 bilyong piso na Philippine Fisheries And Coastal Resiliency o Fishcore Project na layuning masolusyunan ang problema sa sektor ng pangingisda at matiyak ang food security.
Ang proyekto ay inaprubahan nang pulungin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang NEDA Board, kahapon.
Aminado si Pangulong Marcos na siya ring Agriculture Chief, na sa ilang dahilan ay hindi lumago ang aquaculture, kaya mahalaga sa kanya na mag-reresulta ang proyekto ng magandang kita para sa mga mangingisda.
Ayon sa Palasyo, ang Fishcore Project ay binuo upang maresolba ang mga problema sa Fishery Sector, gaya ng pagkaunti ng mga nahuhuling isda, malaking post-harvest losses, at mataas na antas ng kahirapan sa mga mangingisda.
Mula sa 11.2 bilyong pisong halaga ng proyekto, 9.6 bilyon ang magmumula sa Official Development Assistance na ipagkakaloob ng World Bank.
Ang natitirang 660.6 milyong piso naman ay sasagutin ng gobyerno sa pamamagitan ng DA-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, habang ang 1.6 bilyong piso ay manggagaling sa Private Sector Partners at Beneficiary Groups o Cooperatives.
Nasa 354,905 registered fisher folks sa dalawampu’t apat na lalawigan na may coastal at marine area na 32 milyong ektarya ang inaasahang makikinabang sa nasabing proyekto.

About The Author