Naniniwala si Albay 2nd District Rep. Joey Salceda na maipapasa sa kongreso ang panukalang paglikha ng Department of Water Resources (DWR) bago ang State of the Nation Address (SONA) ng Pangulong Bongbong Marcos sa Hulyo.
Ito aniya’y upang maidagdag ang DWR sa malalaking panukala na naisabatas ng administrasyon ni Marcos.
Nabatid na pinamumunuan ni Salceda ang technical working group na sumusuri sa nasabing panukala.
Matatandaang pinuri ni Salceda ang pangulo matapos nitong aprubahan ang pagtatatag ng Water Resource Management Office noong Pebrero.
Kung saan, binigyang diin ng pangulo ang kahalagahan ng pagbuo ng plano para maayos na mapangasiwaan ang water resources ng Pilipinas.
Dagdag ni Salceda, makatutulong ang ginawang aksyon ng gobyerno gayung humaharap sa water supply crisis ang bansa sa pagtama ng el niño phenomenon. —sa panulat ni Joana Luna