Inaresto sa kasong Syndicated Estafa si Police Regional Office – Bangsamoro Autonomous Region, Regional Director PBGEN. John Guyguyon.
Sa bisa ng arrest warrant, walang nagawa ang Heneral kundi makipag-cooperate matapos mismong sa opisina niya inihain ang arrest warrant na dala ng Philippine National Police, Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Lumalabas na dalawang Arrest Warrant ang inihain sa kaniya ng Pro-Bar Regional Headquarters sa Camp Gen. Salipada K Pendatun, Parang, Maguindanao.
Kasunod nito ay agad na sinibak sa serbisyo si guyguyon sa utos ni PNP Chief PGEN. Rodolfo Azurin Jr. dahil sa naturang Warrant of Arrest na nauugnay sa dalawang magkahiwalay na kaso ng Syndicated Estafa na inilabas ng Quezon City Regional Trial Court Branch 104 noong December 1, 2022, at QC RTC Branch 91 na may petsang May 20, 2022.
Sa ngayon ay nasa ilalim na ng kustodiya ng Pro-Bar Deputy Regional Director for Administration PBGEN. Gil Francis Tria para sa pagharap nito sa korte laban sa mga kasong isinampa sa kaniya.