Kinumpirma ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na kabilang sa kanyang opsyon sa sandaling lumabas na ang warrant of arrest laban sa kanya ang pagtatago at pagkakanlong sa Senado.
Sa phonepatch interview ng Senate Media, tila nagbago ng isip ang senador sa nauna niyang pahayag na handa siyang sumuko kapag mayroon na siyang warrant of arrest upang makasama si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kulungan at kanya itong maalagaan.
Ipinaliwanag ni dela Rosa na mahirap ang sitwasyon sa The Hague kung saan maging ang anak ng dating Pangulo na si Vice President Sara Duterte ay hindi makapasok sa detention cell ng ama.
Nagpasalamat din ang senador sa naging pahayag ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na papayagan siyang magkanlong sa Senado habang naghihintay ng resulta ng legal remedies na kanilang isinusulong.
Nilinaw naman ng mambabatas na hindi siya forever magkakanlong sa Senado dahil marami pa siyang ibang opsyon at umaasa siyang magkakaroon ng konting pag-asa sa magiging ruling ng Korte Suprema.
Inamin din ni dela Rosa na nagtatampo siya kay National Security Adviser Eduardo Año dahil hindi man lamang niya tinimbrehan ang dating Pangulo sa nakatakdang pag-aresto sa kanya.
Nauunawaan aniya niya ang trabaho ni Año pero bilang kaibigan ay umasa siyang may malasakit pa rin ang opisyal sa dating Pangulo.