Hinihikayat ng provincial government ng Oriental Mindoro ang publiko na bisitahin pa rin ang ilang tourist destination sa kanilang lalawigan.
Ito’y sa kabila ng nangyaring oil spill sa Naujan, Oriental Mindoro.
Ayon kay Oriental Mindoro Gov. Humerlito Dolor, isa sa mga lugar na maaari pa rin bisitahin ng mga turista ang Puerto Galera.
Aniya, hindi naman ito apektado ng oil spill at maaari parin itong languyan o magsagawa ng ibang water activities.
Kaugnay nito, hinihikayat rin Gov. Dolor ang mga nais magtungo sa Puerto Galera na huwag magkansela ng kanilang booking at ituloy ang kanilang planong pagbisita.
Muli rin niyang iginiit na malayo sa pinangyarihan ng insidente ng oil spill ang Puerto Galera kaya’t siguradong mag-e-enjoy ang mga magtutungo dito.
Ang pahayag ni Gov. Dolor ay kasabay ng inagurasyon ng world class at pinaka-malaking Passenger Terminal Building (PTB) sa buong bansa sa Calapan Port, na pinanguhan ni Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Jay Santiago kasama ang ilang opisyal nito at ng pamahalaang panlalawigam ng Oriental Mindoro.