Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pag-institutionalize sa 24/7 MAKABATA helpline 1383.
Sa Executive Order no. 79, nakasaad na ang helpline 1383 ang magsisilbing central reporting system para sa lahat ng mga batang mangangailangan ng ispesyal na proteksyon bunga ng mga pang-aabuso o iba pang paglabag sa kanilang karapatan.
Mananatili ito sa pangangasiwa ng Council for the Welfare of Children.
Itinakda naman ang minimum operating standards para sa helpline kabilang ang communication platforms tulad ng SMS o text message, email, website o webpage, at social media.
Ipinatitiyak din ang 24-oras nitong operasyon, at agarang pagtugon sa mga matatanggap na report, o pagdudulog nito sa mga kaukulang ahensya, LGU, at private sector partners sa pamamagitan ng itatatag na referral pathway.
Kabilang din sa mga maaaring isumbong ang online sexual abuse or exploitation of children at child sexual abuse or exploitation materials.
Tutulong naman ang Presidential Communications Office sa pagpapalaganap ng public awareness kaugnay ng makabata helpline 1383. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News