Hindi binabalewala ng Senado ang panukala kaugnay sa Charter Change (Cha-Cha).
Ito ang binigyang-diin ni Senate President Juan Miguel Zubiri bilang tugon sa pahayag ni Cong. Rufus Rodriguez na dapat pagtuunan ng pansin ng Senado ang panukala na nakakuha ng overwhelming support sa Kamara.
Katunayan, ayon kay Zubiri, hindi nila pinipigilan ang Senate Committee on Constitutional Amendments sa pangunguna ni Senador Robin Padilla na magsagawa ng pagdinig kaugnay sa dito.
Iginiit ng senate leader na ginagawa ng Senado ang kanilang trabaho at pinapakinggan ang boses ng taumbayan.
Gayuman, muling binigyang-diin ni Zubiri na kahit suportahan niya ang Cha-Cha ay hindi nila makakamit ang 3/4 votes ng mga senador o 18 boto upang maisulong ang panukala.
Ipinaliwanag rin ng senador na sa sandaling payagan ang Cha-Cha sa pamamagitan ng Constitutional Convention (Con-Con) ay hindi maiiwasan na mabuksan at baguhin ang iba pang artikulo sa saligang batas partikular ang may kinalaman sa political provisions kasama na ang porma ng gobyerno.
Inamin ni Zubiri na noong una ay pabor siya sa pagsusulong ng Federal Form of government subalit makaraan ang ilang pag-aaral at lumitaw na sa ilalim ng federal system, tatlong federal states lamang kabilang ang Metro Manila, Southern Tagalog at Central Luzon ang aangat dahil sa kakapusan ng pondo sa ibang estado.