Naniniwala si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na malapit nang maisara ang kaso ng pagpaslang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo makaraang isiwalat ng mga naarestong suspek na mayroon silang video conversation kasama ang isa sa nagplano ng pag-atake.
Sinabi ni Remulla na bagaman preliminary statements pa lamang ang kanyang nababasa ay kumpiyansa siya na nalalapit na ang pagsasara ng imbestigasyon, maliban sa hindi pa nadarakip ang iba pang mga salarin.
Tumanggi naman ang kalihim na ibunyag ang mga detalye nang tanungin kung politiko ba ang mastermind sa krimen.
Inihayag din ni Remulla na hindi pa niya nakakausap si Negros Oriental 3rd District Rep. Arnie Teves nang tanungin din ito tungkol sa mambabatas.
Si Teves na una nang itinanggi ang kaugnayan sa krimen, ay sinampahan ng mga reklamong Murder sa Justice Department noong Martes dahil umano sa pagpatay sa tatlong indibidwal noong 2019.