Nagpahayag ng ibat-ibang paninindigan ang ilang mga jeepney driver kaugnay ng isang linggong tigil pasada ng ilang transport group.
Sa panayam ng DZME1530 sa ilang tsuper na kasama sa protesta, sinabi nito na hindi na rin sila papasada ng halos isang linggo kahit magutom at mawalan ng pang tustos sa pang araw-araw na pangangailangan.
Ito ay upang ipakita ang kanilang suporta sa ipinaglalaban ng mga transport group na PISTON at MANIBELA kaugnay sa hakbang ng DOTr at LTFRB na tuluyang pagpapatanggal ng mga lumang modelo at nabubulok na jeepney.
Taliwas naman ito sa pahayag ng grupong One Utak na nagsabing magkakaloob sila ng libreng sakay ngayong sinimulan na ang trasport strike.
Ayon sa grupo, dahil wala pa silang special permit na nakukuha mula sa LTFRB kaya’t 2 units pa lang ng kanilang modern jeepney ang magbibigay ng libreng sakay sa mga commuters mula Philcoa hanggang Quiapo, Manila.
Samantala, ilang miyembro naman ng PEJODAP ang patuloy na pumapasada hangga’t wala umanong inilalabas na kautusan ang kanilang presidente para paralisahin ang kanilang byahe.