Ang Gilbert syndrome ay isang uri ng namamanang genetic disorder. Sa kondisyong ito, nakararanas ng mataas na dami ng bilirubin ang katawan.
Ang bilirubin ay isang uri ng waste product o dumi sa dugo na bunga ng natural na pagkasira ng mga red blood cell. Kung maiipon ang bilirubin sa katawan, maaring magkaroon ng jaundice o paninilaw ng balat at mga mata.
Hindi naman mapanganib ang pagkakaroon ng Gilbert syndrome. Sa katunayan, ay hindi ito nangangailangan ng lunas sapagkat hindi naman ganoon kataas ang dami ng bilirubin sa katawan. Maari lamang magkaroon ng paninilaw kung mati-trigger ito ng stress, labis na pag-e-ehersisyo, pagkapuyat, pagkakaroon ng regla, pag-inom ng alak, kapag nalipasan ng gutom, at iba pa.
Kadalasan din ay walang ipinakikitang mga sintomas ang mga pasyenteng may Gilbert syndrome. Kung mayroon man, nagkakaroon lamang ng kaunting paninilaw at kusa ring nawawala. Ang iba naman ay maaring makaranas ng pagduduwal, pananakit ng tiyan, diarrhea, constipation, mabilis na pagkapagod, pagkawala ng gana sa pagkain, pagkahilo, at iba pa.
Kung ang mga sintomas ay nakaaapekto sa pang-araw-araw na pamumuhay, maari namang malunasan ang mga ito sa pamamagitan ng pagpapahinga.
Ang pagkakaroon ng Gilbert syndrome ay hindi maaring maiwasan sapagkat ito ay namamana at batay sa datos, karamihan sa mga naaapektuhan nito ay mga lalaki kumpara sa mga babae.