May ilang grupo ng transportasyon ang nagpasyang huwag lumahok sa isang linggong transport holiday na inorganisa ng kanilang mga kasamahan.
Bagaman nirerespeto nila ang pagtutol ng ibang transport groups sa public utility vehicle (PUV) Modernization Program ng pamahalaan, sinabi ni Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) President Ricardo Rebaño, na ipagpapatuloy nila ang pagseserbisyo sa mga commuter ngayong linggo.
Ayon kay Rebaño, marami ang magdurusa sa tigil pasada samantalang maari namang mapag-usapan nang maayos ang problema at mahanapan nang solusyon.
Aniya, marami sa mga miyembro ng FEJODAP, kabilang ang mga nasa labas ng National Capital Region, ang nagsabing hindi sila sasali sa transport strike.
Ang tigil pasada simula ngayong araw, March 6 hanggang sa March 12, ay ikinasa ng transport groups upang tutulan ang PUV Modernization Program ng pamahalaan.