Pina-plano ng gobyerno na magtayo ng 16 na regional jail facilities, bilang bahagi ng hakbang sa pag-decongest sa mga kulungan sa bansa.
Sa press briefing sa Malakanyang, inihayag ni Justice Assistant Sec. at Spokesperson Mico Clavano na ang regional facilities ang paglilipatan sa mga maaapektuhan ng planong pagsasara ng New Bilibid Prison sa 2028.
Ito rin ang magbibigay-daan upang hindi na kailangang ilayo sa kanilang mga rehiyon ang mga bilanggo, at madadalaw pa rin sila ng kanilang mga pamilya.
Kaugnay dito, sinabi ni Clavano na humiling na sila ng karagdagang budget para sa pagtatatag ng bagong jail facilities, at bukas din sila sa mga lokal na pamahalaan na magdo-donate ng mga pasilidad at lupa.
Samantala, ibinahagi rin ng DOJ official na ang kasalukuyang kinatatayuan ng Bilibid ay maaaring gawing panibagong gov’t center o gov’t facility. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News