dzme1530.ph

DOH may paalala sa publiko ngayong dry season

Heatstroke at dehydration ang dalawa sa pinaka-karaniwang kondisyon kapag dry season o tag-init.

Ayon kay Department of Health officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, madalas na tinatamaan ng heatstroke at dehydration ang mga nakatatanda o elderly population.

Inilarawan ng mga eksperto ang heatstroke bilang isang kondisyon kung saan nasosobrahan sa init ang katawan matapos magbilad ng matagal sa init ng araw o sumalang sa aktibidad kung saan mataas ang temperatura.

Ang dehydration naman ay isang heat-related condition na maaring dulot ng sobra-sobrang pagpapawis at kakulangan ng fluids.

Paalala ni Vergeire, kapag lumalabas ng bahay ay ugaliing magbaon ng tubig, pang-hydrate.

Magdala rin ng sombrero o payong bilang proteksyon sa matinding sikat ng araw at magsuot ng magaan o komportableng damit upang hindi labis na mainitan.

Posible ring magdulot ang mainit na panahon ng iba pang sakit lalo sa mga magtutungo at maliligo sa mga resort, gaya ng ear infections, eye diseases tulad ng sore eyes, at diarrhea, pati na rin skin diseases o mga sakit sa balat.

Ipinaalala rin ng health official na madaling masira o mapanis ang mga pagkain kapag mainit ang panahon.

About The Author