Mahigit 10 dayuhang kumpanya ang interesadong magsuplay ng mga bakuna laban sa bird flu at African Swine Fever (ASF) upang mapigilan ang paglaganap ng mga sakit sa mga hayop sa bansa.
Ayon kay Agriculture Undersecretary Deogracias Victor Savellano, apat na aplikasyon ang kanilang tinanggap para makapagdala ng ASF vaccine.
Sa hiwalay na dokumento mula sa Department of Agriculture, mayroon namang pitong aplikasyon para sa avian influenza vaccine.
Hinihintay pa ng D.A. ang Food and Drug Administration na mag-isyu ng special import permits para sa mga aplikante.
Isinasapinal na ng ahensya ang Memorandum of Agreement kasama ang Bureau of Animal Industry (BAI) at stakeholders para sa pagsasagawa ng vaccine trial. —sa panulat ni Lea Soriano