Hinikayat ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang mga ahensya ng gobyerno na tulungan ang Department of Tourism (DOT) sa pagsisikap nitong makabangon mula sa kontrobersiyang kinasangkutan sa pamamagitan ng pagpapalakas ng turismo ng bansa.
Sa gitna ito ng naging palpak na promotional video para sa bagong tourism slogan ng bansa na Love the Philippines.
Iginagalang ni Zubiri ang desisyon ng DOT na panatilihin ang paggamit ng bagong slogan subalit nanawagan siya na dapat pag-ibayuhin pa ang mga hakbang na ginawa sa pagtutuwid sa mga pagkakamali.
Muling binigyang-diin ng mambabatas ang kanyang panawagan sa lahat ng kaukulang ahensya tulad ng Department of Public Works and Highways, Department of Transportation, at Department of Health na makipag-ugnayan at makipagtulungan sa DOT para sa pagsasaayos ng mga imprastraktura sa turismo.
Layun nito na maipasok sa bansa ang kinakailangang mataas na kita para sa paglago ng nasabing industriya.
Ipinaliwanag ni Zubiri na ang tagumpay ng “Love the Philippines” campaign ay nakasalalay sa kooperasyon at pagtutulungan ng lahat ng government stakeholders upang handa ang public transport, internet connectivity, health protocols, logistics at ang mga tao sa paghahatid at pagtanggap ng pagmamahal na nararapat sa mga turista.
Idinagdag pa ng senador na mas kailangan ngayon ng DOT at ng tourism stakeholders ang ating suporta kasabay pa ng apela sa publiko na iwasan na ang anumang pahayag na makasisira sa imahe ng bansa bilang umuusbong na ‘global tourist destination’. –ulat mula kay Dang Garcia, DZME News