Hindi na pinapayagan ang mga residente mula sa 10 barangay na inilipat sa Taguig City mula sa Makati City, na gamitin ang kanilang yellow cards para sa government-subsidized health care.
Ginawa ng Makati City Government ang anunsyo, alinsunod sa desisyon ng Supreme Court, kung saan ang mga yellow card na naka-address sa 10 Embo Barangays ay hindi na balido, simula noong Lunes, January 1, 2024, maliban na lamang kung sila ay mga empleyado ng naturang pamahalaang lokal.
Idinagdag ng Makati na nag-expire na rin ang licenses to operate ng health centers at lying-in sa Enlisted Men’s Barrio (EMBO) Barangays, kaya kailangan nang ipasara ang mga ito.
Nabatid na ang mga pasyenteng may yellow card na mayroong bill na P5,000 pababa ay hindi na pinagbabayad sa ospital ng Makati, habang ang lagpas sa P5,000 ay sinisingil lamang ng uniform rate na P500.
Ang mga cardholder ay binibigyan din ng mga libreng gamot, gaya ng para sa hypertension, diabetes, at iba pang mga sakit. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera