Iginiit ng Taguig City na hindi na kailangan ng Writ of Execution para ipatupad ang hurisdiksyon sa Fort Bonifacio Military Reservation at sa 10 barangay sa Makati, kasabay ng pagbibigay diin na malinaw ang desisyon ng Supreme Court pabor sa kanila.
Sa apat na pahinang statement, sinabi ng Taguig City na ang preliminary injunction na inisyu ng Regional Court ng Pasig, na nagpapatigil sa Makati na sakupin ang hurisdiksyon sa Inner Fort at 10 EMBO o Enlisted Men’s Barrios Barangays, ay ginawa nang permanente.
Kabilang sa mga lugar na apektado ng land dispute ay ang Inner Fort na binubuo ng mga barangay Pembo, Comembo, Cembo, South Cembo, West Rembo, East Rembo, Pitogo, Rizal, Post Proper Northside at Post Proper Southside, pati na ang Fort Bonifacio Military Reservation, kung saan matatagpuan ang 240-hectare na Bonifacio Global City.
Inilabas ang statement makaraang ihayag ng Office of the Court Administrator na kailangan muna ng Writ of Execution para sa epektibong paglipat ng hurisdiksyon ng mga lugar mula sa Makati patungong Taguig. —sa panulat ni Lea Soriano