dzme1530.ph

WFH Arrangement Law, tugon sa problema sa trapiko at ‘di lang para sa pandemya

Kinontra ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang pahayag ng Private Sector Advisory Council (PSAC) na para lamang sa mga panahong tulad ng COVID 19 pandemic ang ‘work from home arrangement’.

Sinabi ni Villanueva na ipinasa nila ang Telecommuting o Work-from-Home Law noong 2019, ang intensyon ng batas ay para tugunan ang lumalalang traffic sa bansa partikular sa mga Metropolitan areas.

Nang pumasok anya ang pandemya,  nakita ng bansa ang kahalagahan ng batas at hindi ito naging sagabal para maging produktibo ang mga empleyado sa ilalim ng alternatibong working arrangement.

Katunayan aniya, ang e-commerce at digital transactions ay tumaas ng 20% mula 2021 hanggang 2022 kahit na ang karamihan ng mga tao ay nasa loob ng bahay nagtatrabaho.

Iginiit pa ni Villanueva, kahit wala na ang pandemya ay mas lalo namang lumalala ang sitwasyon ng trapiko sa bansa at kung ito ay magpapatuloy at walang aksyon na gagawin ay maaaring lumobo sa P9.4 billion ang lugi ng bansa dahil dito.

Para mas masuportahan ang work from home arrangement ay isinusulong ni Villanueva na maaprubahan ang Senate Bill 135 na layong payagan ang alternative work arrangements para sa mga kumpanyang nakarehistro sa Investment Promotion Agencies. –ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author