Pinabulaanan ng Office of the Vice President (OVP) ang kumalat na video online na si Vice President Sara Duterte umano ang dahilan ng matinding trapik sa bahagi ng Commonwealth Avenue sa Quezon City, kahapon, Oktubre 5.
Sa liham ng OVP kay Quezon City Police District (QCPD) Director, PBGen. Rederico Maranan, iginiit nito na hindi niya hiniling maging ng kanyang tanggapan ang anumang uri ng assistance o hakbang mula sa naturang istasyon dahil magdudulot lamang ito ng abala na mas magpapahirap sa kapwa Pilipino.
Kasunod nito, hinimok ni VP Sara ang pamunuan ng QCPD na imbestigahan ang insidente.
Nabatid na sa makikita sa viral video na may isang tao na nagtanong sa isang pulis na kinilalang si Sgt. Pantallano, kung bakit isinara ang bahaging iyon ng Commonwealth, dito na sumagot ang pulis at sinabing daraan kasi si VP Sara Duterte.
Una nang nilinaw ng OVP na nasa Butuan City ang bise presidente para pangunahan ang pagdiriwang ng World’s Teachers’ Day kaya’t malinaw aniya na “misleading at outright false” ang claim ng naturang video. —sa panulat ni Jam Tarrayo