Klinaro ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang kanyang inilabas na pahayag kahapon patungkol sa isinasagawang isang linggong tigil-pasada ng ilang transport groups.
Ayon sa pangalawang pangulo, hindi red tagging ang pagsasabi ng katotohanan.
Ginawa ng kalihim ng edukasyon ang pahayag matapos ang naging komento ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Rep. France Castro na sinabing red tagging sa act at mga public utility drivers na nakiisa sa transport strike ang pahayag ni Duterte.
Magugunitang tinukoy ni Inday Sara ang PISTON bilang isang organisasyon na may liderato at miyembrong may taliwas na ideyolohiya.
Binigyang-diin din nito na “problematic” at magdudulot lamang ng abala sa mga mag-aaral ang kasalukuyang tigil-pasada ng ilang transport groups.