Wala pang natatanggap na anumang dokumento si Vice President Sara Duterte na nagsasaad na secondary respondent siya sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa madugong war on drugs ng kanyang ama na si dating pangulong Rodrigo Duterte.
Gayunman, binigyang diin ng bise presidente na handa ang kanyang mga abogado na gumawa ng mga hakbang sakaling mayroon ngang kaso laban sa kanya.
Sinabi rin ni Inday Sara na hindi pa sila nagkikita at nagkakausap ng kanyang ama, at alam ng dating pangulo kung ano ang dapat nitong gawin.
Una nang inihayag ni dating Senador Antonio Trillanes IV na mayroong warrant of arrest na inaasahang ilalabas laban kay dating Pangulong Duterte, pati na sa iba pang respondents kaugnay ng ICC investigation. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera