Hinamon ni Vice President Sara Duterte ang mga nag-uugnay sa kanya sa Oplan Tokhang na sampahan siya ng kasong murder dito sa Pilipinas.
Ginawa ng bise presidente ang pahayag, matapos siyang akusahan ng umano’y dating miyembro ng Davao Death Squad na si Arturo Lascañas, na pasimuno ng Oplan Tokhang sa Davao City nang magsilbi siyang Alkalde ng lungsod noong 2016.
Sa statement na naka-post sa kanyang social media pages, tinawag ni VP Sara na “bago ang script na ito,” kasabay ng pagbibigay diin na hindi kailanman naugnay ang kanyang pangalan sa extrajudicial killings sa panahon ng kanyang panunungkulan bilang local official.
Nanindigan din si Duterte na walang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas, at ang pagpupumilit ng nagsabing Korte na pakialaman ang hudikatura ng bansa ay panghihimasok sa ating soberanya. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera
Paglapastangan ito sa dignidad ng mga Pilipino at sa karangalan ng Pilipinas.
Wala na itong debate. Sa testigo at mga tao na nakapalikod sa kanya, mag file kayo ng kasong murder laban sa akin dito sa Pilipinas. — VP Sara Duterte