Nire-review ng Department of Agriculture ang voucher system sa ilalim ng National Rice Program para sa ipatutupad na mga pagbabago at matugunan ang mga problema sa payouts.
Sa statement, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na kailangang maayos ang voucher system upang matiyak na nagagamit ng wasto ang pondo ng pamahalaan, nakukuha ng mga magsasaka nang buo ang mga benepisyo, at para tumaas ang produksyon ng bigas.
Sa ilalim ng National Rice Program, nagbibigay ang DA ng vouchers sa farmer-beneficiaries na maaring ipalit ng farm inputs, gaya ng mga pataba, at mga binhi sa DA-accredited merchants.
Gayunman, inihayag ni Tiu na maraming negosyante ang ayaw nang tumanggap ng vouchers dahil hindi pa sila nababayaran, at umabot na aniya ang total payables sa ₱892-M kabilang na ang mga naiwan pa noong 2021.