Hinikayat ng Smartmatic ang Commission on Elections (COMELEC) na gamitin pa rin sa susunod na taon ang mahigit 93,000 Vote-Counting Machines (VCMs) na ni-rentahan nito.
Sa tatlong pahinang liham ng Smartmatic kay Comelec Chairman George Garcia, sinabi nitong sa paggamit ng leased VCM’s, makatitipid ng bilyun-bilyong piso ang pamahalaan.
Ipinaliwanag ng service provider, na sa ilalim ng 2 lease contracts na pinasok ng poll body, mananatili ang pagbibigay ng Smartmatic ng parts, labor at technical support sa COMELEC hanggang 2025.
Sakop anila sa warranty ang 93,977 units Optical Mark Reader (OMR) machines kasama ang Election Management System (EMS).
Pinaalalahanan din ng Smartmatic ang COMELEC na pagmamay-ari pa rin nito Ang Automated Elections Systems (AES) software para sa EMS, vote counting system at consolidation and canvassing o ang overall system na ginamit noong 2022 elections.