Handa ang America na rumesbak para sa Pilipinas sa harap ng territorial disputes sa South China Sea.
Ito ay tiniyak ni US Defense sec. Lloyd Austin kay Pang. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagtutungo ng Pangulo sa Pentagon bilang bahagi ng kanyang official visit sa America.
Ayon kay Austin, palagi lamang nasa likuran ng Pilipinas ang America sa anumang isyu sa South China Sea o saanmang rehiyon.
Ipinaalala rin ng US Defense chief na ang Mutual Defense Treaty ng Pilipinas at America ay magagamit sa anumang mararanasang armadong pag-atake sa armed forces, coast guard vessels, public vessels, o aircraft sa Pacific Region kabilang na sa South China Sea.
Sinabi ni Austin na ang dalawang bansa ay may magka-parehong paniniwala para sa malayang Indo-pacific, at ang pangingibabaw umano ng mga panuntunan at karatapan sa isang rehiyon ay makatutulong para sa seguridad at kasaganahan.
Matatandaang ang Pilipinas ay nahaharap sa territorial dispute sa West Philippine Sea laban sa China. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News