Ipinagtanggol ng Dep’t of Budget and Management ang unprogrammed funds sa 2024 national budget.
Ito ay sa harap ng plano ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na kwestyunin sa Korte Suprema ang ligalidad ng karagdagang P449.5-billion unprogrammed funds.
Ayon sa DBM, ang unprogrammed appropriations ay magsisilbing standby funds ng gobyerno upang matustusan ang mga biglaan o hindi inaasahang gastusin, kaakibat ng pagtutok sa essential programs at projects.
Sinabi pa ng kagawaran na ang unprogrammed funds ay walang awtomatikong alokasyon, at mailalabas lamang ito kung matutugunan ang mga kondisyon tulad ng pagkakaroon ng labis na kita sa koleksyon ng buwis o iba pang non-tax revenue sources, at kung may matatanggap na panibagong financial loans o grants mula sa ibang bansa.
Oobligahin din ang mga ahensya na mag-sumite ng kaukulang dokumento bago mabigyan ng standby funds, at itatakda ang limitasyon sa paggastos dito.
Tiniyak ng DBM na patuloy na ipatutupad ang fiscal program anuman ang kaharaping petisyon o pag-kwestyon. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News