dzme1530.ph

Universal Meal Program para sa mga paaralan, inirekomendang ipatupad

Inirekomenda ni Sen. Sherwin Gatchalian ang pagpapatupad ng Universal Meal Program na naglalayong lunasan ang mga suliraning kinakaharap ng mga kabataan sa nutrisyon, kasama na ang stunting, wasting, at undernutrition.

Aminado naman ang chairperson ng Senate Committee on Basic Education na malaking pondo ang kakailanganin sa programa na kanila anyang gagawan ng paraan.

Sa datos ng Department of Science and Technology-Food and Nutrition Research Institute’s (DOST-FNRI) para sa taong 2021, nasa 2.7 milyon o 20% ng mga batang 5 hanggang 10 taong gulang ang stunted o kulang sa taas para sa kanilang edad; nasa  2.8 milyon o 21% ang underweight;  at 1 milyon o 7% naman ang wasted o magaan para sa kanilang timbang.

Ito ang dahilan kaya’t sisikaping paabutin ng 220 days o buong school year ang pagpapatupad ng school-based feeding program na dati ay nasa 120 days lamang.

Sa taong 2024, ipinapanukala na mula P5 bilyon ay itaas sa P11 bilyon ang pondo para sa programa.

Target ng Department of Education (DepEd) na masaklaw ng programa ang 1.6 milyong benepisyaryo mula Kindergarten hanggang Grade 6 para sa susunod na taon.

Balak din ng DepEd na palawigin ang araw ng pagpapatupad ng Milk Feeding Program sa 47 hanggang 55 araw. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author