Tutulak patungong Middle East si United Nations Aid Chief Martin Griffiths para suportahan ang negosasyon sa pangangalap ng tulong sa binarikadahang Gaza Strip.
Sinabi ni Griffiths na nakikipag-usap ang kanyang tanggapan sa Israel, Egypt at sa iba pang mga bansa para sa ipagkakaloob na tulong sa mga naiipit sa bakbakan sa pagitan ng militanteng Hamas at Israeli Forces.
Aniya, ang kanyang pagtungo sa gitnang silangan ay upang ipakita ang pakikiisa sa libu-libong aid workers na walang takot na tumutulong sa mga tao sa Gaza at sa West Bank sa gitna ng kaguluhan.
Ayon sa tagapagsalita ng United Nations for Humanitarian Office, uunahing puntahan ni Griffiths ang Cairo saka bibiyahe ito sa iba’t ibang lokasyon sa rehiyon sa mga susunod na araw.