Pinag-iisipan ng Department of Education na rebyuhin ang umiiral na recognition system sa mga estudyante sa gitna ng diskusyon sa hakbang na nag-aalis sa Valedictorian, Salutatorian, at iba pang “hierarchical” awards.
Sinabi ni DepEd Asec. Francis Cesar Bringas na ang review ay magiging bahagi ng revision ng kagawaran sa K to 12 curriculum para sa School Year 2024-2025.
Inihayag ni Bringas na hindi na ipinagpatuloy ng DepEd ang lumang sistema ng “hierarchical” awards simula noong 2016, sa ilalim ng pamumuno ni noo’y Education Sec. Armin Luistro.
Ipinaliwanag ng opisyal na ang bagong sistema ay upang maiiwas ang mga mag-aaral sa kompetisyon laban sa mga kapwa nila estudyante, at sa halip ay pahalagahan nila ang “personal achievements.”
Sa nakalipas na pitong taon, kinikilala ang mga estudyante na mayroong total grade average na 98-100 na with highest honors habang ang mayroong 95-97 ay with high honors at ang 90-94 ay with honors. —sa panulat ni Lea Soriano