dzme1530.ph

Umano’y quota at reward system sa drug war ng Duterte admin, ibinunyag

Ibinunyag ni P/Col. Jovie Espenido, na umiral ang ‘quota at reward system’ sa kampanya ng Philippine Nat’l Police sa war on drugs ng administrasyong Duterte.

Si Espenido ay humarap at nagsumite ng affidavit sa House Quad Committee, at sinabi nito na nagtakda ang PNP leadership noon ng quota na 50 hanggang 100 indibidwal.

Ayon kay Espenido, inakala nya na ang quota ay para lamang sa pagkatok sa tahanan ng mga hinihinalang gumagamit o nagtutulak ng ilegal na droga.

Isiniwalat din ni Espenido sa kanyang affidavit na ₱20,000 ang pabuya sa bawat mapapatay na indibidwal sa drug war, at ang pondo ay galing sa small-time lottery (STL) o “jueteng lords” na nagbibigay ng pera sa police regional at provincial commanders.

Sa kwento nito, si noo’y PNP Chief Ronald Dela Rosa ang nagpatawag sa kanya para italaga bilang hepe ng Ozamiz City PNP.

Ang instruction umano ni Dela Rosa ay buwagin, ‘e-neutralize at eliminate at all cost’ ang lahat ng sindikato ng droga kasama ang Parojinog group.

Sinabi din nito na direkta siyang nagre-report kay Gen. Dela Rosa at kay Pangulong Rodrigo Duterte. —ulat mula kay Ed Sarto, DZME News

About The Author