dzme1530.ph

Umano’y leader ng CPP-NPA na si Eric Jun Casilao, hawak na ng PNP; ipinadala na sa Davao

Ipinadala na ng PNP sa Davao si Eric Jun Baring Casilao matapos ang isang press conference sa NAIA terminal 2 para doon harapin sa Korte ang mga kaso laban sa kanya.

Ayon kay PNP Directorate for intelligence PMGen. Benjamin Acorda, si Casilao ay dumating sa bansa kaninang umaga sakay ng PAL flight PR-530 matapos itong maaresto sa Malaysia sa pamamagitan ng mutual support o pagtutulongan ng Malaysia at Pilipinas.

Si Casilao ay isang mataas na leader ng Communist Terrorist Group (CTG) sa Mindanao kung saan ito nagtatago sa Malaysia.

Sinabi ni Acorda, March 23 nagkaroon ng meeting ang ibat ibang ahensya ng pamahalaan para matunton at arestuhin ang mga takas na mag-asawa, na sina Eric Jun Baring Casilao at May Vargas Casilao, na sinusubaybayan sa Malaysia.

Si Eric Jun Baring Casilao ay secretary ng Southern Mindanao Regional Committee (SMRC), at miyembro ng Central Committee ng CPP-NPA-NDF, at Most Wanted Person na may patong sa ulo na Php 5.4M.

Si Casilao ay nahaharap sa kasong murder, attempted murder, kidnapping at serious illegal detention.

Habang si May Vargas Casilao naman ay nanatiling at large na nagsisilbing plenary member ng SMRC at mayroon ding standing warrant of arrest para sa kidnapping, serious illegal detention, at attempted murder.

Nauna na humingi ng tulong ang mga opisyal ng PNP at iba pang ahensya ng pamahalaan sa mga awtoridad ng Malaysia para subaybayan, at mai-deport ang nasabing mga takas matapos kanselahin ng Gobyerno ng Pilipinas ang mga pasaporte ng takas na mag-asawa. —ulat mula kay Tony Gildo, DZME News

About The Author