Naobserbahan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang tumaas na seismic activity at ground deformation sa nag-a-alborotong bulkang Mayon, sa Albay.
Sinabi ng PHIVOLCS na bagaman nasa 100 volcanic quakes ang kanilang pinakahuling tala at bahagyang mas mababa sa 102 na na-monitor sa 24-hour interval sa pagitan ng June 25 hanggang 26, ay consistent o patuloy naman ito sa paglikha ng mahihina at mabababaw na pagyanig.
Sa kasalukuyan ay umiiral pa rin ang paglabas ng lava mula sa bunganga ng bulkan, maging ang rockfall at pyroclastic density currents.
Nasa ilalim pa rin ng Alert level 3 ang Mayon Volcano na nakakaapekto sa 41,483 individuals o 10,642 families, batay sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC). —sa panulat ni Lea Soriano