Niratipikahan na ng Senado ang kasunduan ukol sa pagsugpo sa karahasan at harassment sa mga workplaces o lugar na pinagtatrabahuan.
Sa botong 20 na mga senador na pabor at wala namang pagtutol at wala ring abstention ay kinatigan ng mga mambabatas ang International Labour Organization (ILO) Convention number 190.
Ayon kay Sen. Imee Marcos, Chairperson ng Senate Committee on Foreign Relations, ang tratadong ito ang unang international treaty na kumikilala sa karapatan at nagbibigay proteksyon sa mga manggagawa.
Kabilang na rito ang proteksyon at pagiging malaya laban sa karahasan, harassment, gender-based violence at iba pang pangaabuso sa mga lugar na pinagtatrabahuan.
Saklaw ng treaty na ito ang mga workplaces sa gobyerno at pribadong sektor gayundin lahat ng mga manggagawa ito man ay regular, intern, apprentice, trainee, volunteer at kahit mga aplikante pa lamang.
Maaari ring gawing basehan ito ng mga OFWs para papanagutin ang mga among abusado.
Hinihimok naman sa tratado ang mga bansang sumang-ayon dito na lumikha ng batas na para sa pagsawata ng mga karahasan at harassment sa workplaces. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News